Wednesday, August 12, 2015

Ang Marka na Inilipas ng Buwan ng Wika




Image source: http://www.zivotnafilipinach.cz/23-zajimavych-faktu-o-filipinach/

Ngayong ipindagdiriwang natin ang Buwan ng Wika, totoong nagugunita nga ba natin ang kahalagahan ng wikang Filipino? Ikaw bilang isang Filipino, pinahahalagahan mo ba ang wikang bumubuo ng iyong pagkatao ?

Dumating na nga ang buwan ng Agosto, isa sa mga buwan ng taon na talaga namang pinakahihintay ng maraming Pilipino. Nag-usbungan ang mga selebrasyon nito sa mga eskwelahan, kaliwa’t kanan walang humpayan ay may mga palaro at paligsahan sa paggalingan ng wikang Filipino. Nariyan ang pagtatanong ng iba’t ibang mga “pambansang”- “Sino ang pambansang bayani?”,“Ano ang pambansang hayop”, “Ano ang pambansang bulaklak?”, mga ingay ng salitang nanggagaling sa mga mikropono ng mga guro. Totoo nga’t masaya ang paggunita natin nito. Ngunit sa pag-uwi ng mga estudyante ano nga ba ang itinatak ng okasyon na ito sa kaibuturan ng kanilang mga utak, totoo nga kayang ang pagmamahal sa wikang Filipino ang sakanila’y tumatak o ang ligaya at mga pangyayari ng araw na lumipas?

Tila nawawalan na nga ng halaga ang wikang pambansa sa kasalukuyang henerasyon. Obserbahan mo na lamang ang pananalita ng mga tao sa iyong paligid. Sa mga mensahe ng iyong kaibigan sa kwudradong bagay na yari sa plastik o metal na minuminuto’y iyong hawak paano niya sinsabi ang nais niya sa iyo? Sa paraang taglish o jejemon kaya o di kaya’y sa paraang ingles na kadalasa’y balubaluktot kundiman ay napakalalim at nakakahilong basahin. Ilan pa sa atin ang nagsasalita ng purong Filipino, iyong walang halong ingles o kung ano mang lenggwahe? Miski ako ay hindi ko kayang magsalita ng ganoon.

Wagas nga kung ating mahalin ang ating lahi at alam kong alam mo na mahal din nating mga Filipino ang ating sariling wika ngunit hindi natin maiaalis na mas natatabunan ng wikang Ingles ang wikang sariling atin. Bakit nga ba? Sa pakikipag-usap pa lang ay malaki na ang agwat ng Ingles sa Filipino. Ang pananaw ng nakararami’y kung ika’y nag-iingles ika’y matalino at kung ika’y nagfifilipino ika’y bobo. Kung tutuusin nga’y mas maraming mga paaralan ang tumatangkilik ng lenggwaheng Ingles kaysa Filipino. Tignan mo ang nakasulat sa kanilang mga karatula “We are an English speaking community” nakakdismaya hindi ba? Sa loob ng buong taong pag-aaral ng mga kabataan sa eskwelahan, tanungin mo sila kung ilang beses silang nagmulta dahil sa pagsasalita nila ng wika natin; Sariling wika mo na’y ipinagkakait pa.

Hindi natin maiwawaglit ang saya na inilipas ng buwan ng Agosto ang buwan ng wika ngunit sa kabila noo’y huwag din naman nating iwaglit ang tunay na kahulugan nito. Huwag mong hintayin na isampal sa iyo ng wikang Filipino ang katagang ibinaon sa atin ni Gat. Jose Rizal, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda.”

No comments: